
May kasabihan, “Love never dies!” Ang Diyos ay pag-ibig at dahil S’ya ay pag-ibig walang kamatayan ang hahadlang sa kanyang buhay at pagmamahal sa atin.
Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay nagpapaalala sa atin na ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ay magbibigay at magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. Tinuruan tayo ni Hesus na magmahalan. Dahil ang pagmamahal ay daan sa tunay na buhay na walang hanggan. Sa huling hapunan nagbigay si Hesus ng isang paalaala; “…mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo.” (Jn. 13:34). Ito ang iniwan ni Hesus sa kanyang mga alagad bago pa S’ya ipako sa krus, dahil alam ni Hesus ang pag-ibig ay maghatid sa atin ng muling pagkabuhay.
Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo. Dahil ang taong umibig kay Kristo at sa kapwa ay hindi mahihiwalay sa pangako ng Diyos, ang muling pagkabuhay. Roma 8:35; “Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian ba, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, o ang tabak?” Hindi ang kamatayan ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Ito ang pinatutunayan ni Kristo, sa kanyang muling pagkabuhay, na ang pagmamahal ng Diyos ay hindi namamatay at ang nagsasabuhay sa utos ng Diyos na mahalin ang kapwa ay magkakamit ng buhay na walang hanggan.
Tulad ni Maria Magdalena na binago ni Hesus, ay patuloy na nagmahal kay Kristo. Patuloy ang paglilingkod ni Maria hanggang sa libingan. “Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang mga batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila; “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” (Jn. 20: 1-3). Ang walang laman na libingan ay nagbibigay na pag-asa na si Kristo ay buhay. Ito ang ibig sabihin ng pagmamahal. Hindi iniisip ang sarili, kundi ang Diyos at ang kapwa. Kung tayo ay walang-wala na dito natin maranasan ang presensya ni Kristo. Buhay ang Diyos sa mga taong nagmahal sa Diyos.
• Father Jay Flandez SVD