
Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin” (Mc. 10: 21).
Bakit ka ba sumunod kay Kristo? Ano ba ang hangad mo sa pagsunod kay Kristo? Karamihan sa atin ang sagot ay, “sumunod ako kay Kristo para makapunta ng langit.” Tama yan, gusto natin na mapunta tayo sa langit, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sa ating pagbasa tayo ay tinuruan ni Hesus ng pamamaraan upang makapunta sa kanyang kaharian.
Una mahalin natin ang Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod ng kanyang mga banal na utos. Ang pagsunod sa batas ng Diyos ay ang pagpapahalaga ng ating relasyon sa kanya. Ang pagsunod ng mga batas ng Diyos ay pagpapakita na minamahal natin S’ya.
Ikalawang pamamaraan upang makamtan natin ang kaharian ng Diyos ay ang pagmamahal sa kapwa. Sa ating ebanghelyo sa Linggong ito, may lumapit kay Hesus at nagtanong ng ganito; “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan? Sabi ni Hesus, “sundin mo ang mga banal na utos.” Tugon naman ng lalaki; “Guro, ang lahat po ng iyan tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” At sabi sa ating pagbasa, “Magiliw siyang tiningnan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay kulang mo…mahalin mo at paglingkuran mo ang kapwa sa pagmamagitan ng pagbibigay ng pinagbilhan ng ari-arian mo. At nalungkot ang lalaki, dahil hindi N’ya kaya ibigay ang kanyang ari-arian.
Hindi maging ganap ang ating pagsunod kay Hesus, kung ito ay para lamang sa sarili natin. Ang tunay na tagasunod ni Hesus ay ang pagbibigay ng sarili upang makatulong sa kapwa. Ang ating mga debosyon ay walang kahulugan kung ito ay walang pagmamahal sa kapwa.
Ang daan tungo sa kaharian ng Diyos ay ang pag-aalay ng buhay. Kung tutuusin pwede sana gamitin ng lalaki ang kanyang kayamanan upang magkamit niya ng buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan. Akala ng lalaki na tama na ang pagsunod ng mga batas. Hindi maging buo ang pagsunod natin kay Kristo kung iiwanan natin ang mga dukha, ang mga nangangailangan ng ating tulong.
Ang kaharian ng Diyos ay para sa mga taong handang mag-alay ng kanilang kayamanan, lakas at magsakripisyo ng kanilang buhay upang tulungan ang mga dukha ng lipunan.
Father Jay Flandez SVD