
NOONG panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan.” (Jn. 16:12-13).
Sa Linggong ito ating ipinagdiwang ang dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo. Ang Diyos natin ay tatlong persona; Ama, Anak at Espiritu Santo, pero iisang Diyos. Ito ang hamon sa atin na maging isa tayo bilang mga anak ng iisang Diyos. Iba iba tayo, iba’t ibang kultura, pero kung may pagmamahalan magkakaisa tayo. Hindi imposible na maging isa tayo kung tatanggapin natin ang Diyos sa buhay natin. Ang Diyos ay pag-ibig. Kung tanggapin natin ang Diyos, dapat ibigin natin ang ating mga kapatid. Kung may pagmamahal, may pagkakaisa.
Natapos na po ang ating eleksyon. Nawa’y sikapin natin na magkakaisa tayo. Huwag natin hahayaan na ang politika ang magiging dahilan sa atin pagkawatak-watak. Hindi ito kalooban ng Diyos na ang kanyang kawan ay magkawatak-watak. Tandaan natin, na bilang mga tumanggap ng binyag ang ating hangarin ay ang pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos. Paano natin maipalaganap ang kaharian ng Diyos kung tayo bilang Kristiyano ay hindi naninindigan sa Mabuting Balita. Hindi ang politikal na “agenda” ang ipalaganap natin, ang ating ipalaganap ang kaharian ng Diyos.
Sa araw na ito ipinagdiriwang din natin ang ating “Independence Day.” Nagbuwis ng buhay ang ating mga bayani upang mapalaya tayo sa kamay ng mga mananakop. Ating ipagdasal ang ating bayan nawa’y makamtan natin ang tunay na kalayaan. Kalayaan sa korapsyon, kalayaan sa kasakiman, kalayaan sa krimen, kalayaan sa pang-aabuso ng kapangyarihan. Maraming pa sa ating mga kababayan na hindi malaya. Tulad natin mga OFWs. Marami sa ating na nabilanggo sa kahirapan at napilitan na umalis sa ating sariling bayan upang makahanap ng trabaho para maiahon sa kahirapan ang ating pamilya. At ang ating bayan ay hirap na hirap sa paglalakbay at hindi na nakakita ng tama at katotohanan dahil natatakpan ng mga kasinungalingan. At hindi na natin alam kung ano ang totoo at mali. Dahil sa kahirapan kakapit na lang para lang mabuhay at maitawid sa kahirapan ang ating mga mahal sa buhay.
Ang ating Diyos, na Banal na Santatlo, ay ang ating pag-asa at tunay na kalayaan. Tanggapin natin S’ya upang makamtan natin ang kalayaan at kasaganaan ng ating bayan. Ang Banal na Santatlo ang magbibigay sa atin ng liwanag at kaalaman upang gabayan tayo sa ating paglalakbay tungo sa pagkakaisa. Huwag hayaan ang politika ang manguna sa buhay natin, bagkus ang ating pananampalataya ang mag-hari sa buhay natin. Dahil ang ating pananampalataya ay maghahatid sa atin ng pagkakaisa at magdadala sa atin ng ating tunay na kalayaan. Tulad sa sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad; “Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan.”
Tanggapin natin ang ating Diyos na Banal na Santatlo upang makamtan natin ang tunay na pagkakaisa, kalayaan, paglalakbay sa tamang daan at kasaganaan.
Father Jay Flandez SVD