Dakilang Kapistahan ni Maria Ina ng Diyos

Dakilang Kapistahan ni Maria Ina ng Diyos

Bagong Taon, bagong damit, bagong paligo. Madaming bago tiyak sa ating buhay. Higit sa lahat, sana eh bagong buhay tayong lahat. Unang araw ng taon 2023. Unang sikat ng araw. Unang gising. Unang Panalangin. Maganda ang pagdiriwang sa buong Simbahan dahil ito ay Fiesta ni Maria, ang Ina ng Diyos. Unang araw ng taon eh kasama agad natin si Maria. Si Maria, bilang Ina ng Diyos ay nagpakita sa atin ng halimbawa ng pananampalataya at katapatan sa Diyos. Dinala nya si Hesus mismo. At ibinahagi nya si Hesus sa lahat, maging hari man o sa mga abang Pastol. At sa kabila ng mga kwento at narinig ni Maria, ayon sa Ebanghelyo ay “Natanim sa isip ni Maria ang mga bagay na ito at kanyang pinagbulay-bulay.” 

Katulad ni Maria maitanim nawa natin sa ating isip at puso at mapagnilayan natin ng lubos ang kagandahang loob ng Diyos. Ang dakilang pagliligtas ng Panginoon sa atin kay Hesus. At katulad ng mga abang Pastol, tayo nawa ay magpuri at magpasalamat sa Diyos sa lahat ng bagay at sa lahat ng oras at araw ng ating buhay. 

Bagong Taon, bagong simula. Nawa ang bawat araw ng taon ay mapuno ng pagpapala ng Diyos. Tayo ay mas maging mabuti at mapag malasakit sa ating kapwa. Bagong Taon Bagong Pagasa. Alisin nawa ng Diyos ang takot at pangamba sa ating mga puso at punuin tayo ng pagmamahal at pananampalataya. Happy New Year sa lahat ng OFWs at ating mga pamilya. Tara po, simulan natin ang  unang araw ng Taon 2023 sa panalangin at pag gawa ng mabuti. At naway akayin tayo ni Maria patungo sa kanyang anak na si Hesus. 

Maria at Jose, Ipanalangin nyo po kami.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________