Kuwaresma!

Ano ang mga paghahanda na gawin natin sa panahon ng Kuwaresma? Ang Kuwaresma ay apatnapung araw na paghahanda ng dakilang pagpapakasakit ni Hesus para sa ating kaligtasan. At sa panahon ng Kuwaresma tayo ay inaanyayahan na magbigay ng oras para sa panalangin, sa pagbabasa ng kanyang salita upang mapalalim ang ating ugnayan kay Kristo. Pag-aayuno upang palakasin natin ang ating espiritual na pamumuhay. At ang kawanggawa para sa mga mahihirap natin mga kapatid. 

Sa ating ebanghelyo si Hesus ay tinukso ng demonyo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mong tinapay ang mga batong ito” (Mt. 4:3). Alam ni Satanas na gutom na gutom si Hesus dahil nag-aayuno S’ya ng apatnapung araw. Pero ang sagot ni Hesus sa tukso ni Satanas; “nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.” (MT. 4;4). Ang salita ng Diyos ay tinapay ng buhay at nagbibigay buhay. Kung ganon, dapat tayo magbasa at pagnilayan ang salita ng Diyos dahil ito ay nagbibigay buhay. 

Kung tayo ay gutom na gutom sa mga makamundong bagay, tayo ay madaling matukso. Upang makaiwas tayo sa tukso ng mga makamundong bagay, ating bigyan ng halaga ang salita ng Diyos. Dahil ang salita ng Diyos ay nagbibigay direksyon ng ating buhay, nagbibigay halaga ng ating buhay. Hindi ang kayamanan sa mundong ito ang nagbibigay ng tunay na kaligayan kundi ang salita ng Diyos. Ang salita ng Diyos ay magpapalaya sa atin sa mga makasariling pamumuhay.

Ang panunukso ni Satanas ay hindi lamang isang beses. Sa ikalawang panunukso ni Satanas ito rin ay sinagot ni Hesus; “Nasusulat huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.”(Mt. 4: 7). May mga panahon na sinusubok natin ng Diyos. Para bang nagdududa tayo sa Kanya. “Kung may Diyos dapat ibigay N’ya ang lahat ng gusto ko.” Tayo ay hindi Diyos, kung ano ang kalooban ng Diyos para sa atin, ating tanggapin at sundin. Dahil kung tayo ay sumunod sa kalooban ng Diyos ito ang maghatid sa atin ng ating kaligtasan. Ang kaligtasan ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi ang ating gusto ang masunod. 

Hindi huminto si Satanas sa panunukso ni Hesus; “Pagkatapos, dinala rin siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok. Mula roo’y ipinatanaw sa kanya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kayamanan ng mga ito. At ang sabi ng Diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba  sa akin.” Sumagot si Hesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo; siya lamang ang iyong paglilingkuran,”(Mt.4:8-10).

Sa panahon ng Kuwaresma magbigay tayo ng oras at panahon para sa Diyos, dahil ang Kuwaresma ay paghahanda sa dakilang pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________
Share: