Puso’y buksan upang makita ang katotohanan!

Puso’y buksan upang makita ang katotohanan!

At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan.”(Lc.24:45).

Ang tunay na pananampalaya ay may isip at pusong marunong kumilala sa mga gawa ng Diyos. Hindi natin maiintindihan ang mga gawa ng Diyos kung ang isip at puso ay hindi nakatuon sa kaharian ng Diyos. Sa mga panahon na nagpakita si Hesus sa kanyang mga alagad pagkatapos ng kanyang kalbaryo, ang mga alagad ay hindi makapaniwala na buhay si Hesus. Ipinakita ni Hesus ang mga sugat sa kanyang mga kamay, paa at tagiliran upang ipakita sa kanila na S’ya si Hesus ang pinako sa krus at muling nabuhay. Para bang nakalimutan na ng mga alagad ang mga turo ni Hesus; “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.” (Lc. 24:46-48).

Ito ang hamon ng muling pagkabuhay ni Hesus, buksan ang isip at puso natin upang mapalago ang ating pananampalataya. Ang ating pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Hesus ay hindi lamang hanggang simbahan, kundi atin din itong isabuhay sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Buhay si Hesus. At bilang mga mananampalataya kay Kristo, tayo rin ay magbibigay buhay sa ating pamayanan at lipunan. Ang tunay na may pananampalataya ay naglilingkod at nagbibigay buhay sa kapwa. “Easter people give joy and life to others.” Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay ating pag-asa at nagbibigay ng inspirasyon sa ating misyon. 

Ikaw ba ay nagbibigay buhay? 

Ito ang tunay na pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Hesus, na ang mananampalataya ay magbibigay buhay sa pamamagitan ang ating paglilingkod at pagtulong sa kapwa. Dahil naranasan ng mananampalataya ang muling pagkabuhay ni Hesus, tayo’y masaya sa ating paglilingkod at pagbibigay buhay sa pamamagitan ng pagbahagi ng mabuting balita sa ating kapwa. Ibahagi mo ang kabutihan ng Diyos sa iyong kapwa.

 Panginoon buksan mo po ang isip at puso namin upang maging matibay ang aming pananampalataya at handa palaging maglingkod sa aming kapwa, at nawa’y maranasan nila na ikaw ay buhay sa pamamagitan ng aming paglilingkod sa kanila. 

Ang ating pananampalataya ay nagbibigay buhay. 

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________