Bawat isa ayon sa kanya kanyang kakayanan

Bawat isa ayon sa kanya kanyang kakayanan

Merong isang TV show sa Pilipinas na ang tawag ay “Talentadong Pinoy”. Sa show na ito ay ipinakikita ang iba’t ibang kakayahan o talento ng Pilipino sa pagsayaw, pag awit o pagpapatawa o drama kaya. Nakakatuwa at nakakahangang panoorin dahil ang husay ng mga tao. Nakaka bilib ika nga.

Sa Ebanghelyo, ibinahagi sa atin ni Hesus na tayong lahat ay may tinanggap na talento o kakayahan mula sa Diyos. We are gifted child of God kung baga. Mahusay tayo. Ni regaluhan tayo ni Lord ng talento para magamit sa kabutihan. 

Mabuti kasi ang Diyos kayat hangad nya ang pag unlad natin. Bawat isa sa atin ay may kanya kanyang kakayahan bilang magulang o anak o kapatid o bilang isang guro o duktor o magsasaka o maging isang simpleng manggagawa. At ang lahat ng ito ay talento para sa ating kabutihan at ikabubuti ng ating kapwa.

Ang bawat talento o kakayahan natin ay mahalagang magamit natin para sa ikapupuri ng Diyos na sa atin ay may likha. Ang bawat talento ay biyaya ng Diyos sa atin para sa iba. Kaya mahalaga na magamit natin ito at hindi ibaon o itago lamang. Kailangan nating ilabas. Huwag nating sasayangin o ikakahiya ang ating talento o kakayahan. 

Gamitin natin sa mabuti ang talentong ibinigay ng Diyos para sa ikabubuti at ikauunlad ng ating kapwa. Huwag nating hayaang masayang ang ating iba’t ibang kakayahan. Pasalamatan natin ang Diyos sa kanyang kabutihan at mga talentong kanyang ibinigay. Gamitin natin ito, ipagdiwang at ibahagi. Para sa pagdating ng araw ng pagsusulit ay masabi at maibalik natin sa Panginoon na nagamit natin at naibahagi ang regalo nyang kakayahan. 

Ikaw ano ano ba ang talents mo o kakayahan? At paano mo ito nagagamit para sa iyong paglago at ikabubuti ng iyong pamilya at kapwa o maging sa trabaho? Pagpalain po tayo ng Diyos at gabayan nya lagi.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________