Alam mo ba ang misyon mo? 

Alam mo ba ang misyon mo? 


 

Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana’y napagningas na ito! May isang binyag pa na dapat kong  tanggapin, at nababagabag ako hangga’t hindi natutupad ito!” (Lc. 12: 49-50).

Ang dahilan bakit si Kristo ay naparito ay ang pagliligtas ng sanlibutan. Ang kanyang pagpapakasakit at pagpapako sa krus ang tinutukoy sa sinabi ni Hesus; “may isang binyag pa na dapat N’yang tanggapin.” Ito ang kanyang pagpapakasakit sa krus. Parang sinabi ni Hesus na ang binyag ay ang misyon N’ya upang maligtas ang sanlibutan.

 Ang salita ni Hesus ay nagpapaalala sa atin na ang ating binyag na tinanggap ay may kaakibat na misyon. Sa pagtanggap sa Sakramento ng Binyag hindi lamang tayo naging bahagi ng Simbahan, tayo rin ay may gagawin para sa Simbahan na itinatag ni Hesus. At ang pagtupad sa ating misyon ay maghahatid sa ating kaligtasan.

Alam mo ba ang misyon mo? Kung hindi mo alam ang iyong misyon bilang Binyagan, hindi mo rin alam ang dahilan sa iyong paglalakbay sa mundong ito. At malamang gusto natin na lahat ng tao ay matutuwa sa atin. May pagkakataon na sumusunod na lang tayo sa gusto nila dahil wala tayong “sense of purpose or sense of mission”. Tandaan natin na ang dahilan ng ating buhay ay para kilalanin, mahalin at paglingkuran ang ating Diyos. Ating ipaglaban ang Diyos na nagligtas sa atin.

Kung tayo ay papanig kay Kristo, malamang may mga tao na ayaw sa atin. Ito ang sinabi ni Hesus; “Akala ba ninyo’y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi. Mula ngayon, ang limang katao sa isang sambahayan ay mababahagi: tatlo laban sa dalawa at sa dalawa laban sa tatlo.” (Lc. 12: 51-52).

Ano ang ibig sabihin nito? Kung tatanggapin natin ang katotohanan, si Hesus, ito ay maghahatid sa atin ng kapayapaan. At may mga tao na ayaw tanggapin ang katotohanan at ito ang maghahatid sa kanila ng kaguluhan, pagkawatak-watak, at walang kapanatagan.

Hindi natin matanggap na ganito ang buhay natin, hindi natin matanggap na hindi perpekto ang relasyon at pamilya natin. Ang pagtanggap sa ating kahinaan ang magbibigay ng kapayapaan sa buhay natin.

Tulad ni Hesus na tinanggap ang krus para mabuo tayo at maligtas.

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


Tanggapin mo ang buong pagkatao dahil si Kristo mismo, niligtas at tinanggap N’ya ang buong pagkatao mo.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________