Engkwentro kay Kristo!

Engkwentro kay Kristo!

May isang Samaritanang dumating upang umigib. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Maaari bang makiinom?” Sinabi sa kanya ng Samaritana, “Kayo’y Judio at Samaritana ako! Bakit kayo humihingi sa akin ng inumin?” Sapagkat hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano. Sumagot si Hesus, “Kung alam lamang ninyo kung ano ang ipinagkakaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa inyo ng inumin, marahil ay kayo ang hihingi sa kanya, at kayo nama’y bibigyan niya ng tubig na nagbibigay-buhay.” (Jn.4:7,9-10).

Ang tagpong ito ay nagpabago sa babaeng Samaritana. Sa kanyang enkwentro kay Hesus, nakilala N’yang lubusan kung sino ang Kristo. Ano ba ang hamon ng Ebanghelyo sa buhay natin?

Una, dapat magbigay tayo ng oras kay Kristo. Hindi natin S’yang lubusang makilala kung wala tayong panahon kay Hesus. Makipag-usap tayo sa kanya sa pamamagitan ng pagbabasa at pagninilay ng kanyang Banal na Salita. Tulad ng Samaritana, S’ya ay nakipag-diyalogo, nakipag-usap kay Hesus. Tandaan natin sa kultura nila noon, isang eskandalo ang makipag-usap ng isang estranghero sa pam-publikong lugar. Tulad ngayon kung ikaw ay makipag-usap sa mga masasamang tao, ikaw ay pagdudahan na kaagad. Pero hindi pinansin ni Hesus ang kanilang iniisip, ang mahalaga sa kanya na mabago ang isang Babae na may hinahanap sa buhay n’ya.

Sa kanyang pakikipag-usap kay Hesus, dahan-dahang nakilala n’ya kung sino si Hesus. Noong una sinabi n’ya, “Ginoo, sa wari ko’y propeta kayo.” At noong sinabi ni Hesus sa kanya, “Ngunit dumarating na ang panahon—ngayon na nga na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ito ang hinahanap ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.” (Jn. 4;23-24). At ang tugon ng Babae; ““Nalalaman ko pong paririto ang Mesiyas, ang tinatawag na Kristo.” (Jn. 4:25). Dahil sa kanyang pakikipag-usap, nakilala N’yang lubusan si Hesus at S’yay naging tagapagpatunay kay Hesus. Ang Samaritana ay naging instrumento sa kanyang kababayan upang ipakilala ang Kristo. “At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. Sinabi nila sa babae, “Nananampalataya kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin sa kanya. Nakilala naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.” (Jn. 4:41-42).

Dahil sa kanyang engkwentro kay Kristo, ipinakilala N’ya na ang tunay na bukal ng tubig ay si Hesus. “Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” (Jn. 4:13-14).

Tagpuin mo si Hesus, at ang buhay mo ay maging daluyan ng kagandahan ng Diyos.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________