
Gusto mo bang maging misyonero? Pari or Madre or Lay minister? Ang tawag ni Hesus ay para sa ating lahat. Malawak ang lugar at madami ang tao na kailangan dalhan ng mensahe ng Ebanghelyo. Katulad ng 12 disipulo makikita natin na sa Ebanghelyo si Hesus ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa para magpahayag ng Mabuting Balita. Sila’y mga simple at ordinaryong tagasunod ni Hesus. Wala silang yaman o husay o kagamitan. Ang dala nila ay pananampalataya at pagmamahal ng Diyos. Umiikot sila at nagpapagaling ng mga may sakit. Tinawag sila ni Hesus at sila’y tumugon.
Para sa ating mga OFW, ang buhay ay paglilingkod. Madami sa ating OFWs ang misyonero ang pamumuhay, laman ng simbahan at handang magbahagi ng pananampalataya.
Kaya si Pope John Paul II tinagurian nya ang mga Pilipino na mga misyonero o evangelizers dahil sa ating kakayanang mag sabuhay ng ating faith and traditions. Kahit saan tayo makarating na bansa ay dala natin ang ating pananampalataya at ibinabahagi natin ito sa iba. Katulad ng mga Disipulo ni Hesus, Nawa ay makatugon tayo sa tawag ni Hesus na magpahayag at mag bahagi ng Mabuting Balita. Bilang mga Pilgrims of Hope, maging instrumento nawa tayo ng kapayapaan at paghilom. Mapuno nawa ang ating puso ng Pagibig ng Diyos. Pagpalain nawa tayo ng Panginoon at gabayan lagi sa ating paglalakbay na may pagasa at tiwala sa Panginoon.
Father Arnold Abelardo CMF