Sumunodkay Kristo!

Sumunodkay Kristo!

Sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.” (Mt. 4: 18-20).

Sa pamamagitan ng ating binyag, tayo ay naging mga anak ng Diyos at tagasunod kay Kristo. Ang pagtawag ni Simon at Andres ay nagpapaalala sa atin na tayong lahat ay tinawag upang sumunod kay Kristo. Ang pagsunod kay Kristo ay ang pakikinig sa kanyang banal na aral at maging saksi sa kanyang kabutihan. Tinawag tayo upang tularan si Kristo sa pamumuhay sa kabanalan at pagsunod sa kalooban ng Diyos sa ating buhay. Dahil ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay daan upang maghari ang Diyos sa ating buhay.

Ang pagsunod ng mga magkapatid na sina Simon at Andres at ang magkapatid na Santiago at Juan ay hindi madali. Ito’y nangangahulugan ng sakripisyo. Sinabi ng ating ebanghelyo; “Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.” (Mt. 4:22). Hindi madali iwanan ang siguradong kabuhayan, at hindi madali iwanan ang mga mahal sa buhay. Pero ginawa nila ito dahil alam nila na ang pagsunod kay Hesus ang tunay na magbibigay sa kanila ng kasaganaan at kaayusan sa buhay. Ang pagsunod kay Hesus ay hindi pagtalikod sa ating pamilya. Ito ay isang pagsasakripisyo para sa kaharian ng Diyos. Hindi pababayaan ni Hesus ang ama nila Santiago at Juan. Ang pagsunod kay Hesus ay isang sakripisyo upang mapabanal ang kanilang buhay.

Natatakot tayo na mag-alay ng ating oras o panahon para sa simbahan. Iniisip ng iba na sayang ang “day-off” kung ang buong araw ay nasa paglilingkod sa simbahan. Hindi sayang ang iyong oras o panahon kung ito ay inialay mo sa Panginoon. Bagkus, lalo kang pagpapalain ng Panginoon dahil inuuna mo Siya sa iyong buhay. Ang mga alagad ay pinagpala dahil sila’y sumunod kay Hesus. Nawa’y atin silang tularan, sina Simon, na handang magsakripisyo para sundin ang kalooban ng Diyos.

May mga kababayan tayong nagsakripisyo para sa kanilang pamilya, nag-OFW para suportahan ang pamilya. At noong sila’y nakaramdam ng tawag ng Panginoon, iniwan ang trabaho at pumasok sa kumbento para tumugon sa tawag ng Panginoon sa pagmamadre. Iniwan ang kanilang pamilya para sa Panginoon. Hindi ito madali, pero ito ay isang sakripisyo upang papurihan ang Panginoon. Natagpuan nila ang tunay na ligaya at kapayapaan sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Ang tunay na kaligayahan at kapayapaan ay ang pagsunod kay Kristo!

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________