
Lumapit si Hesus at sinabi sa kanila, ‘ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan” (Mt. 28:18-20).
Sa Linggong ito ating ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit, ang kanyang kaharian. Ito ay nagpaalala sa atin na tayo, bilang mga binyagan ay magkamit din ng buhay na walang hanggan.
Ang pagbabalik ni Jesus, sa kanyang kaharian ay nagpapaalala sa atin, bilang mga binyagan, na ipagpatuloy natin ang kanyang gawain. Sabi ni Hesus, “humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa.” Ito ang iniutos ni Jesus bago Siya umakyat sa kanyang kaharian. Ibig sabihin, tayo ay tinawag na maging misyonero. Lahat ng binyagan ay misyonero. Ikaw ay misyonero. Hindi maging ganap ang ating binyag kung hindi natin ipahayag ang mabuting balita ng Panginoon.
Ang pagsasabuhay sa mabuting balita ay ang pagpapayahag nito. Hindi lamang sa pagsasalita o sa pag-sesermon ang pagpapahayag na mabuting balita. Kung ating isasabuhay ang mabuting balita, tayo ay nagiging saksi sa salita ng Diyos. Buhay ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagsasabuhay nito. Hindi mabubuhay ang Salita ng Diyos kung hanggang sa pagbasa lamang pero hindi ina-apply ang kahulugan nito, hindi sinasabuhay. Ito ang sinabi ni Hesus; “tandaan ninyo; Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.” Sasamahan tayo ni Hesus kung sinasabuhay natin ang kanyang Banal na Salita. Dahil ang kanyang Banal na Salita ay nagbibigay buhay.
At sa ating pagmimisyon si Hesus ang ating kasama. Hindi N’ya tayo pababayaan dahil ang misyon ay ang paggabay at pag-akay sa ating mga kapatid patungo sa kaharian ng Diyos. Kung wala si Hesus sa ating paglalakbay, hindi natin mara-
ting ang kanyang kaharian, dahil si Hesus ang ating daan tungo sa buhay na walang hanggang.
Marami pang mga bansa na hindi nakarinig o nakilala si Hesus, at ito ang ating misyon. Sa pamamagitan ng ating panalangin tayo ay nagmimisyon. Huwag natin kalimutan ang mga bansa, lalong lalo ang Tsina, nawa’y ang pamamahalaan ay maging bukas sa mga gawain ng Simbahan upang mapalaganap ang pagmamahal ng Diyos. Si Kristo ang nagbibigay ng tunay na kalayaan at kasagaan.
Mga kapatid, bilang mga binyagan, tandaan natin na meron tayong katungkulan.
Ang pagpapahayag ng mabuting balita sa pamamagitan ng pagsasabuhay nito. Nawa’y ang buhay natin ay magiging salamin sa salita ng Diyos. At sa pamamagitan ng ating tapat na pamumuhay bilang Kristiyano, nawa’y ito’y magbigay gabay sa iba upang mahikayat natin sila na tanggapin si Kristo, ang ating daan tungo sa kanyang Kaharian!
• Father Jay Flandez SVD