
Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob, at makasusum-pong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo”(Mt. 11:28-30).
Ang buhay natin ay isang paglalakbay, at sa ating paglalakbay may mga panahon na tayo ay napapagod at nalilito sa ating buhay. At ano ba ang ginagawa mo upang maibalik ang lakas at pasikbalin ulit ang buhay mo? May iba ng nagbabakasyon at pumupunta sa ibang lugar upang magpahinga o mag relax. Pero pagkatapos o pagbalik sa tahanan o sa trabaho, hindi parin nawawala ang pagod. Ang pagod na mahirap matanggal ay ang pagod na emosyonal o spiritwal. Madali lang yung pagod na pisikal. Matulog ka lang, kain ka lang ng masustansyang pagkain maibalik agad ang lakas mo. Pero ang emosyonal o spiritwal na pagod ay mahirap.
Si Hesus ang nag-anyaya sa atin na lumapit sa kanya. “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko.” Si Hesus ang ating kalakasan at kapayapaan. At tayo ay inaanyayahan na dumalo sa Banal na Misa upang ating mapakinggan ang kanyang Banal na Salita at tanggapin ang kanyang katawan para sa ating spiritwal na kalakasan. Ang Banal na Eukaristiya ay nagbibigay lakas at direksyon sa ating paglalakbay.
Ang regular na panalangin ay makakatulong sa ating pamumuhay upang patuloy tayo sa ating misyon at sa mga gawain sa pang araw-araw.
Ugaliin natin na may panahon tayo na manalangin, ating tagpuin si Hesus na nagbibigay lakas sa pamamagitan ng ating panalangin. Alam natin marami tayo ginagawa at madaling sabihin na wala tayong oras para manalangin at magnilay sa mga salita ng Diyos. Hindi magbunga ang ating mga ginagawa kung wala tayong grasya galing sa Diyos. Sikapin natin na araw-araw natin tagpuin si Hesus dahil S’ya ang nagbibigay lakas at buhay sa ating paglalakbay.
Tagpuin mo si Kristo upang may direksyon ang iyong buhay.
Father Jay Flandez SVD