
Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’”(Lc. 10: 27).
Ang lahat ng nandito sa mundo ay nilikha at gawa ng Diyos, tayo ay kawangis ng Diyos. At dapat lamang ating pasalamatan ang Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanya. Ang paglikha natin ng Diyos ay dahil sa kanyang pagmamahal sa sanlibutan. Ang pagmamahal na nakaugat sa Diyos ay gumawa ng kabutihan. Kung ang ating pagmamahal sa Diyos ay ating isabuhay, magiging buhay ang ating pamayanan. Pero, ang sukatan ng ating pagmamahal ay makasarili, makamundo. Dapat ang batayan ng ating pagmamahal ay sa Diyos. Dahil ang pagmamahal ng Diyos ay gumawa ng kabutihan, at pagmamahal na maghahatid sa atin ng ating kaligtasan.
Ang pagmamahal ay hindi maging tunay kung ito ay hindi buo. Anong ibig sabihin ng buo? Katulad ng sinabi ni Hesus; “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas.” Ibig sabihin, ang buong buhay natin ay puno ng pagmamahal sa Diyos. Hindi lamang sa loob ng simbahan, kundi pagmamahal sa Diyos sa lahat ng oras at panahon.
Ang mga Saserdote, mga Levita ay mga relihiyosong tao. Mahal nila ang Diyos. Sumunod sa kautusan ni Moises, at tapat sa kanilang gawain sa templo. Pero hindi buo ang kanilang pamamahal sa Diyos. Dahil ang kanilang pagmamahal sa Diyos ay sa loob lamang ng Templo. Noong sila’y paalis na sa Templo, nawala ang kanilang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Noong nakita nila ang isang taong nakahandusay sa daan, ito’y kanilang iniwasan. Ang tanong nga ni Hesus sa ating ebanghelyo.
“Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.” (Lc. 10: 37).
Buhay ang pagmamahal ng Diyos sa atin kung may malasakit tayo sa ating kapwa. Dahil sa ating pagtulong at pakikipagkapwa, ating ipinakita na mahal natin ang Diyos.
Father Jay Flandez SVD