Panalangin!

Panalangin!

Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok.” (Lc.11:9-10).

Lumapit ang mga alagad kay Hesus at nagtanong kung paano manalangin.“Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” (Lc.11:1). Hindi likas sa atin ang panalangin. Kailangan pag-aralan at sikapin na matotong manalangin. Sa ating ebanghelyo sa linggong ito, tinuturuan ni Hesus ang kanyang mga Alagad kung paano manalangin. Ang panalangin ay ang pagsuko ng ating kalooban sa Diyos. Hindi ang ating sariling kalooban ang masunod kundi ang kalooban N’ya. Kung ang kalooban ng Diyos ang maghari sa buhay natin, maghari din ang kanyang kaharian sa buhay natin. Ang pagsuko ng ating buhay sa Diyos, ay ang pagbuo ng ating pagkatao, ng ating pagka-Kristiyano.

Ang panalangin ay isang ugnayan sa Diyos. Sa ating panalangin na “i-connect” ang buhay natin sa kanya. Kung ang puso at isip natin ay puno ng makasariling kahilingan hindi natin mai-ugnay ang ating sarili sa Diyos. Kailangan tanggalin ang makasaraling hangarin sa isip at puso natin. Hindi makapapasok ang Diyos sa buhay natin kung puno tayo ng makasariling kagustohan. “Panginoon dapat ganito ang gusto ko, ganito ang ibigay mo…” Para bang inutusan natin ang Diyos sa gusto natin. Ibigay ng Diyos ang kagustohan mo kung ito ay maghatid sa iyong kabanalan at kaligtasan.

Sa ating panalangin huwag lang puro materyal ang hingiin, dapat hingin mo sa Kanya kung paano mamuhay ng kabanalan, at handang sumunod sa kanyang kalooban. Ito ang tunay na diwa ng panalangin. Kung ang kalooban ng Diyos ang ating hinahangad, magiging puno ng kahulugan ang ating buhay. Ang panalangin ay ating kayamanan dahil sa ating panalangin, ating makatagpo ang ating Amang nasa langit. Sabi sa ating ebanghelyo; “humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok.”(Lc.11:9-10).

Hindi lamang ang sarili o ang pamilya ang ating ipanalangin. Dapat isama natin ang ating mga kapatid na nangangailangan ng panalangin. Dahil tayo bilang tumanggap ng binyag ay bahagi ng katawan ni Kristo. Bilang Kristiyano hindi lang ang ating sarili ang iniisip kundi ang buong katawan ni Kristo. Tandaan natin, na ang panalangin ay ang pag-uugnay ng ating puso sa puso ng Diyos. Nawa’y sa ating panalangin maging mapagmahal tayo sa kapwa, handang tumulong sa mga nawawala sa pananampalataya. Tulungan natin sila na maibalik ang kanilang ugnayan kay Kristo. Ito ang ating misyon bilang Simbahan. Nawa’y sa ating panalangin, hangad natin na magiging-isa tayo bilang mga anak ng Diyos. 

Ang pagsuko ng ating sarili sa Diyos ay ang pagtitiwala sa pamamaraan ng Diyos sa ating buhay.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________