Ang talata sa Ebanghelyo ng araw na ito ay nanggaling sa una sa tatlong pahayag-paalam na binibigkas ni Hesus sa Huling Hapunan. Ngayon, nagsasalita si Hesus tungkol sa mga tirahan na inihanda para sa atin. Ang pasukan sa tirahang ito ay si Hesus mismo. Humingi si Tomas, ang alagad ng Diyos, ng daan upang marating siya. Kapag tinanggap natin ang katauhan ni Kristo at ang kanyang aral—tinanggap din natin ang daan. Si Hesus ang Daan tungo sa Ama.
Tolle et legge! “Kunin at basahin!” Itinuturo ni St. Jerome na ang maging mangmang sa mga kasulatan ay maging mangmang din sa Kristo. Isang kabanata bawat araw ay magdadala sa atin na matapos ang pagbabasa ng isang Ebanghelyo nang may pagninilay sa loob ng hindi hihigit sa isang buwan. Ang tugon sa mga Ebanghelyo sa pananampalataya ay sa huli magdadala sa atin sa makalangit na tirahan na inihanda para sa atin.
“Maraming tirahan sa Bahay ng aking Ama,” sabi ni Hesus. Ngunit ang Bahay ng Ama ay hindi isang lugar na dadalhin tayo ng Panginoon pagkatapos ng ating kamatayan, ni hindi ito isang malayong lugar. Ang bahay na ito ay hindi paraíso kundi ang komunidad ng mga Kristiyano—ang Simbahan. Sa kanyang Simbahan, inihanda ni Hesus ang isang tirahan para sa bawat isa na sumunod sa “daan” ni Hesus.
Ang kanyang Simbahan ay kung saan siya nananahan ngayon—ang bahay ng kanyang Ama. Nangako siyang dadalhin tayo sa kanyang Simbahan upang magsama-sama tayo sa kanya, kung nasaan siya. Ang bahay ay may maraming tirahan na tumutukoy sa iba’t ibang serbisyo at gawain na kailangang isagawa doon. Ang “maraming tirahan” ay walang iba kundi ang “iba’t ibang ministeryo” ng Simbahan at ang marami pang kaloob na natanggap mula sa Diyos.
Maraming tao sa kanilang mga buhay ang humihingi ng kahalintulad na hiling ni Felipe: “Ipakita mo sa amin ang Ama.” Dahil ang Diyos sa sarili siya ay hindi nakikita at, hindi nakapagtataka na marinig ang mga katulad na tanong: “Ano ang Diyos?” Ang katotohanan ay para sa atin bilang mga Kristiyano, ang tanong na ito ay nasagot na. Ang Diyos ay katulad ni Hesus. Ang makilala ang tao at aral ni Hesus ay makikilala ang Diyos.
Kapag kumikilos ang mga Kristiyano nang tulad ni Kristo, naiihayag din nila sa atin ang mukha ng Ama sa iba’t ibang paraan. Ang kaibigan sa ating tabi sa panahon ng pagsubok, ang taong nananatili sa tabi natin sa oras ng karamdaman, at ang taong nagpapatawad at hindi naghahatol kapag tayo ay nakagawa ng malaking pagkakamali—sila lahat ay nagpapahayag ng mahabaging mukha ng Ama. Sa mga kasulatan at sa ating personal na karanasan, maraming paraan kung paanong ipinapakita sa atin ang Ama.
Claretian Publications









