“Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman” [Jn. 6:51].
Si Hesus ang ating buhay, at Sya ang nagbibigay buhay para sa ating paglalakbay bilang Simbahan. At saan natin matatagpuan ang pagkaing nagbibigay buhay? Ating matanggap ang pagkaing ito sa Banal na Eukaristiya. Sa Banal na Misa ating mapakinggan ang mga Banal na Salita ng Diyos, na nagbibigay gabay at pag-asa sa Bting pamumuhay. At sa Banal na Komunyon ating matanggap, ang katawan ni Kristo, na nagbibigay buhay sa ating pananampalataya. Nagbibigay lakas sa ating paglalakbay bilang simbahan.
Maganda ang pangako ni Hesus sa mga tumatanggap ng kanyang Katawan. Sabi N’ya; “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nana nahan sa akin, at ako sa kanya.” (Jn. 6: 54-56).
Bilang bahagi ng katawan ni Kristo, ang simbahan, may pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bilang binyangan huwag kang magpadala sa mga pananakot ng ibang sekta, na sila lang daw ang maliligtas. Yung iba ay lumilipat dahil natatakot at hindi alam ang katotohan. Ikaw bilang binyagan ay naging bahagi ka sa katawan ni Kristo. Kung lilipat ka sa ibang simbahan, baka ibang katawan ang masasalihan mo. Tandaan mo si Kristo, ang ulo ng katawan, ay muling nabuhay at ang bahagi ng kanyang simbahan at tumatanggap ng kanyang katawan ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Tayong tumanggap ng kanyang katawan ay may misyon. Ang misyon natin ay magbibigay buhay sa ating kapwa, sa pamamagitan ng ating paglilingkod at pagtulong sa ating mga kapatid na nahihirapan sa buhay. Sabi ni Hesus, “ang pagkain ito ay nagbibigay buhay sa sanlibutan.” Tayo bilang Simbahan magbibigay buhay sa sanlibutan. Ang Simbahan, o ang Katawan ni Kristo ay nagbibigay buhay sa sanlibutan. Sa pagtulong ng ating mga kapatid na nawalan ng trabaho, sa pamamagitan ng pagdadasal sa mga may mga karamdaman, atin silang matulungan upang magkaroon sila ng direksyon at pag-asa sa buhay.
Bilang katawan ni Kristo, tayo ay may misyon. At ang ating misyon ay pagbibigay buhay para sa sanlibutan!
Father Jay Flandez SVD









