Ang pamatok na gumagaan sa piling ng Panginoon

Ang pamatok na gumagaan sa piling ng Panginoon

Ang Mabuting Balita para sa Linggong ito ay nahahati sa -tatlong bahagi: una, nagpapasalamat si Hesus sa Ama sa paghahayag ng kaharian ng langit sa mga dukha at simple. Sunod, inihahayag niya ang malalim na ugnayan sa pagitan niya at ng Ama sa ikalawang bahagi. Sa huli, hinihimok niya tayong humanap ng kaaliwan sa kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa kanya.

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan, at kayo’y aking pagpapahingahin.” Malinaw na kinakausap ni Hesus ang mga taong nakakasalamuha niya araw-araw sa mga lansangan ng Galilea: mga simpleng tao, mahihirap, maysakit, makasalanan, at mga itinakwil ng lipunan.

Palaging sumusunod ang mga taong ito upang pakinggan ang kanyang mga salita—mga salitang nagbibigay ng pag-asa! Ang buhay ay maaaring maging mahirap, at alam iyan ng Panginoon. Maraming bagay ang nagpapahirap sa puso: mga kabiguan at sugat ng nakaraan, mga pasanin at kawalang-katarungan sa kasalukuyan, pati na rin ang mga kawalan ng katiyakan at alalahanin para sa hinaharap.

Sa ating panahon, ang paanyayang ito ni Hesus ay umaabot sa maraming kapatid na pinahihirapan ng mabuway na kalagayan ng buhay. Maraming tao ang pagod na pagod na dahil sa mabigat na dalahin ng pagtatakwil at kawalan ng malasakit ng iba.

Napakaraming tao ang namumuhay sa gilid ng lipunan, nagtitiis sa matinding kahirapan, pagkabigo, at kawalan ng kasiyahan. Libu-libong tao ang napipilitang mangibang-bayan mula sa kanilang sariling lupain, itinataya ang kanilang buhay. Mas marami pang tao, araw-araw, ang pumapasan ng bigat ng isang sistemang pang-ekonomiya na nanamantala sa kanila at nagpapataw ng hindi matataguang “pamatok” na ayaw namang pasanin ng mga mayayaman at makapangyarihan.

Sa bawat isa sa mga anak na ito ng Ama sa langit, inuulit ni Hesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat.” Ang paanyaya ni Hesus ay para sa lahat, ngunit lalo na sa mga pinakamahihirap at labis na nagdurusa. Ngayon, sinasabi niya sa bawat isa: “Magpakatatag kayo; huwag kayong papatalo sa mga pasanin ng buhay; huwag ninyong isara ang inyong puso sa harap ng mga takot at kasalanan. Lumapit kayo sa akin!”

Sinabi ng ating yumaong Papa Francisco sa kanyang pagninilay sa tekstong ito na, “Hindi mahiwagang nilulutas ni Hesus ang ating mga problema, ngunit binibigyan niya tayo ng lakas sa gitna ng ating mga pakikibaka. Hindi inaalis ni Hesus ang mga pasanin sa ating buhay, ngunit pinapawi niya ang hapis sa ating mga puso; hindi niya inaalis ang ating krus kundi pinapasan niya ito kasama natin. At kasama niya, ang bawat pasanin ay gumagaan, dahil siya ang kaaliwang ating hinahanap.”


Claretian Publication HK

___________________________________________________________________________