Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?”(Mt. 18:32-33).
Hindi madali ang magpatawad lalong-lalo na pag ika’y sobrang nasaktan. At dahil sa sobrang sakit na naranasan natin gusto nating gumanti dahil akala natin ang paghihiganti ay makagaan sa ating damdaming sugatan. Si Pedro lumapit kay Hesus at nagtanong, “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkaka sala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing maka pito, kundi pitumpung ulit pa nito.” (Mt. 18:21-22) Ang ibig sabihin walang bilang ang pagpapatawad.
Ang pagpapatawad ay isang paraan upang maghilom ang pusong sugatan. Hindi maging ganap ang ating pagka Kristiyano kung ang ating sarili pa rin ang ating iniisip. Sinabi ni Hesus, “ang sinuman sumunod sa akin ay limutin ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.” Ang pagpapatawad ay ang paglimot sa ating sarili, paglimot sa ating “ego” o “pride.”
Sa ating ebanghelyo pinatawad ng Hari ang kanyang alipin na may malaking utang sa kanya dahil nagmakaawa siya. Pero itong alipin na pinatawad ng Hari, ay hindi marunong magpatawad. Pinabilanggo niya ang kanyang kasamahan na may maliit lang na utang sa kanya. Noong nalaman ng Hari, siya ay pinatawag at sinabihan ng ganito, “Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?”
Ang Panginoon ay mahabagin, mapagpatawad, dapat mag-patawad din tayo sa ating kapwa. Pinatawad tayo ng Panginoon, dapat magpatawad din tayo sa ating kapatid na nagkasala sa atin. Hindi ang paghihiganti and solusyon upang makamtan natin ang hustisya at kapayapaan. Kung hindi tayo magpatawad, tayo rin ay mahihirapan sa ating buhay. Hindi kalooban ng Panginoon na mahihirapan ka, gusto ng Diyos ng pagpalain ka. Ang pagpapatawad ay daan upang ang biyaya ng Diyos ay dadaloy sa buhay natin.
Pinatawad ka na ng Diyos, magpatawad ka na rin!
Father Jay Flandez SVD









