Sa Ebanghelyo sa Linggong ito ipinahayag ni Hesus ang kahalagahan ng pagsisi at pagbabago sa sarili. Ang unang anak, ang nakakatanda ay tumugon sa utos ng Ama, na ayaw niyang pumunta, ngunit nagbago ang isip niya at siya ay pumunta upang magtrabaho sa ubasan. Ang ikalawa sumagot na pupunta daw S’ya pero hindi naman nagtrabaho sa ubasan. Ito ang tanong ni Hesus sa kanyang mga alagad; “ Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila.
At sinabi ni Hesus,“Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.”(Mt. 21-30-32).
Ang pagsisisi ay isang hakbang upang i-ugnay ulit ang ating buhay, ang ating pamumuhay kay Kristo. Ang tunay na pagsisisi ay ang pagsunod sa kalooban ng Ama. Ang pagtalikod sa kalooban ng Ama o hindi pagsunod sa kalooban ng Ama, ay magdulot ng pagkawatak-watak at walang direksyon sa ating buhay. Napagtanto ng nakakatandang kapatid, na ang pagmamahal para sa kanyang Ama, ay dapat hindi sa bibig lamang kundi sa gawa. Nagbago ang kanyang isip dahil ayaw niya masaktan ang kanyang Ama. Ang pagmamahal sa Diyos ay masukat sa hindi lamang sa ating mga panalangin kundi sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan sa kapwa.
Ang pagsunod sa kalooban ng Ama ay nagpupugay sa kanya. Ito ay paalala sa atin na hindi lamang pakitang tao ang ating pagka-Kristiyano. Ating buksan ang ating isipan at puso para sa Diyos, upang maghari siya sa buhay natin. Nawa’y meron tayong pusong masunurin sa kalooban ng Ama, upang meron pagkakaisa sa ating pamilya at pamayanan.
Bilang Migrante, maging bukas tayo sa galaw ng Diyos sa ating buhay. Marami sa ating mga kababayan ay nawala na sa tamang landas, tamang daan tungo sa Panginoon. Sila’y nabulag sa mga maka-mundong kaligayahan. Hindi na nakakinig at sumunod sa mga utos ng Panginoon. Ating tandaan ang tunay na kalayaan at kapayapaan ay kay Hesus lamang.
Upang hindi mawala sa daan tungo sa kasaganaan at kapayapaan, ating sundan ang kanyang kalooban upang magkaroon tayo ng pagkakaisa bilang Simbahan.
Father Jay Flandez SVD









