Walang makakapalit sa iyo

Walang makakapalit sa iyo

Ang talinhaga tungkol sa sampung dalaga ay medyo nakakalito. Sana ay sumama na rin sa kasalan ang mga hangal na dalaga bitbit ang kanilang kaunting langis! Saan pa kaya sila bibili ng langis kung sarado na ang mga palengke tuwing hatinggabi? Nakakalungkot isipin na ang matatalinong dalaga ay napakasarili dahil tinanggihan nilang ibahagi ang kanilang langis, na labis na labag sa aral ng Kristiyanismo!

Sa pagmumuni-muni sa talinhagang ito, iginigiit ni Padre Fernando Armellini scj na ang panawagan na manatiling gising ay nakakalito rin: maging ang matatalinong dalaga ay natulog at hindi naging mapagbantay. Kakaiba rin ang asal ng nobyo dahil huli siyang dumating, ngunit pagkatapos ay isinara niya ang mga pinto sa ilang bisita na, sa totoo lang, matagal siyang hinintay.

Ang numerong lima at ang imahe ng mga dalaga ay sumisimbolo sa sambayanan ng Israel. Ipinapakita ng numerong sampu ang kabuuan. Ang sampung dalaga ay kumakatawan sa sambayanan ng Israel na naghihintay sa Mesiyas. Sa mga dalagang ito, iilan lamang — ang limang matatalinong dalaga — ang handang tumanggap at pumasok sa pamayanang Kristiyano, samantalang ang limang hangal na dalaga ay hindi pinapansin ang mga plano ng Diyos.

Gayunpaman, limampung taon pagkatapos ng panahon ni Hesus, noong isinulat ni Mateo ang kanyang Ebanghelyo, iba na ang mga suliraning kinaharap ng kanyang pamayanan. Kaya naman, inangkop ni Mateo ang talinhaga upang matugunan ang mga pangangailangang katekistikal ng kanyang pamayanan. Inaasahan ng mga unang pamayanang Kristiyano ang nalalapit na ikalawang pagdating ni Hesus. Sa kabila ng paglipas ng maraming dekada, walang nagbago. Sa paglipas ng panahon, nawalan sila ng pasensya at bumalik sa kanilang mga naunang pamumuhay at pag-uugali.

Dito, ipinapakita ng sampung dalaga ang pamayanang Kristiyano na naghihintay sa ikalawang pagdating ni Hesus. Nabuo na ni Mateo ang kaisipan tungkol sa pagsasama ng mabuti at masama: ang trigo at ang damo ay sabay na lumalago, ang mabuti at masamang isda ay nahuhuli sa iisang lambat, ang dalisay at ang marumi ay nakaupo sa iisang hapag, at sa gayon, ang matalino at ang hangal ay magkatabi.

Ang matatalinong dalaga, na tumangging ibahagi ang kanilang langis sa kanilang mga kasama, ay nagahatid ng isang mahalagang mensahe. Ang iyong pananampalataya at paghahanda ay hindi kailanman maaaring palitan ng ibang tao. Ang pagpikit o pagsasara ng pinto ay nagpapahiwatig ng pagtatapos ng bawat pagkakataon upang tanggapin si Hesus. Napakahalagang alamin kung paano gagamiting mabuti ang buhay.

Sa bawat sandali, nais tayong madatnan ni Hesus na naglilingkod sa ating mga kapatid. Ang ilawan ng pag-asa, pag-ibig, at katarungan ay dapat palaging nagniningning nang maliwanag sa ating mga silid — sa ating buhay, para sa mga mahihirap at sa dayuhang humihingi ng saklolo.            

Claretian Publications

___________________________________________________________________________