Mag-impok ng makalangit na kayamanan!

Mag-impok ng makalangit na kayamanan!

Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo’y walang maka-kalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tanga. Sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamanan ay naroon din naman ang inyong puso.”(Lc.12:32-34).

Bilang migrante tayo ay nangangarap na magkaroon ng magandang kinabukasan ang ating pamilya. Tayo ay nagsasakripisyo upang maiahon sila sa kahirapan at makamtan ang masaganang buhay. Pero ang pamumuhay ng Kristiyano ay hindi lamang sa mundong ito. 

Hindi lamang na magkaroon tayo ng kayamanan, kaginhawahan, kundi ang ating layunin ay magkamit ng buhay na walang hanggan, ang ating tunay na kayamanan.  Ito ang ating tunay na kinabukasan, ang pagsikapan na makamtan ang buhay na walang hanggan. Paano? Mahalin mo ang Diyos at kapwa.

Hindi masama na mangarap ng kayamanan. Pero kung ang hanggad mo sa kayamanan para lamang sa iyong sarili, wala ka ng pakialam sa mga nangangailan, ito ay hindi na tunay na kayamanan. 

Ang ating tunay na kayamanan ay ang pagmamahal at paglilingkod sa kapwa. Ito ang kayamanan na hindi mananakaw, hindi kalawangin. Ang paggawa ng kabutihan sa kapwa, ang pagmamahal sa Diyos ay pag-impok ng kayamanan sa langit. Ang Kristiyano ay nagbibigay buhay sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagtuloy sa mga mahihirap, pagbibigay ng pag-asa sa mga nawawala ng landas. 

Huwag tayong gumawa ng mga bagay na makasarili lamang. Bilang Kristiyano ang ating iniisip ay hindi lamang pang sarili kundi para sa kabutihan ng ating pamayanan. Kung ang sarili lamang ang iniisip, ito ang dahilan na nasisira ang ating relasyon natin sa ating pamayanan. Dahil gusto ang sarili ang masunod, hindi ang kabutihan o ika-ganda ng pang-kalahatan. Ang Kristiyano ay hindi makasarili, bagkus, handang mag-alay ng sarili dahil sa pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.

Bilang binyagan ating pagsikapan na mag-impok para sa ating tunay na kinabukasan ang buhay na walang hanggan. Ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________