Pananampalataya na nagbibigay buhay!

Pananampalataya na nagbibigay buhay!

Huwag kayong matakot; si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimu­lang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus.” (Matthew 14:27-31).

Kaakibat na sa ating buhay ang mga problema, ang mga pagsubok sa ating paglalakbay. Ang “buhay” ay ating mararanasan kung humaharap tayo ng mga pagsubok sa ating pamumuhay. Noong si Pedro ay inaanyayahan ni Hesus na lumapit sa kanya sa pagmamagitan ng paglakad sa ibabaw ng tubig, si Pedro’y napuno ng takot at dahandahang lumubog. Takot si Pedro sa kanyang buhay at S’yay sumigaw; “Sagipin mo ako Panginoon.” Ipinakita ni Pedro na ang tunay na buhay ay kay Hesus lamang. Ang ating pagnanam-palataya ay nagbibigay buhay sa ating paglalakbay. Dahil sa panganib na naranasan ni Pedro, natuklasan N’ya, na si Hesus ang ating buhay.

Ang may tunay na pananampalataya ay handang umalis sa kanyang buhay na maginhawa o “comfort zone”. Kalimitan tayo ay masyadong  panatag na sa ating buhay na pananampalataya na hanggang sa loob lamang ng simbahan. Sa paglabas ng simbahan upang harapin ang buhay nakalimutan na natin ang ating pananampalataya. Tulad ni Pedro noong S’yang umalis sa bangka, sa kanyang “comfort zone” at lumakad sa tubig, napuno ng takot si Pedro. Sa paglabas natin sa bahay pana-langinan dala-dala natin ang grasya na natanggap natin sa Eukaristiya. Maraming mga pagsubok sa buhay pero hawak  natin ang ating  pananampalataya na nagbibigay buhay at direksyon sa ating paglalakabay. 

Bilang katawan ni Kristo, sikapin natin na magbigay buhay sa ating kapwa sa pamamagitan ng ating pagtulong sa mga kababayan natin na humihingi ng tulong, sa pamamagitan ng atin pag-papatawad sa mga nagkasala atin. Ang pagtulong at pagpapatawad ay nagbibigay buhay bilang katawan ni Kristo. 

Kung minsan nakalimot tayo kay Hesus sa ating paglalakbay dahil naka “focus” na lang tayo sa mga makamundong bagay, na akala natin ito ang magbibigay buhay sa atin. Hindi ang mundo ang magbibigay buhay atin hindi si Hesus lamang. Ibig sabihin bilang binyagan, ang ating mundo sa ating buhay ay si Hesus. Si Hesus ang nagligtas sa atin upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Si Hesus ang ating gabay at lakas kung may mga pagsubok man sa ating buhay. Tumawag palagi kay Hesus, hindi lamang sa panahon ng kasiyahan o kagipitan. Kung gusto natin na kasama natin palagi si Hesus sa ating pamumuhay, maglaan ng oras o panahon upang kausapin si Hesus upang patuloy tayong gabayan sa ating paglalakbay. 

Kung kasama natin si Hesus sa ating pamumuhay, hindi tayo mawawala sa ating paglalakbay, dahil si Hesus ang ating daan tungo sa buhay na walang hanggan.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________