Simbahang nagmimisyon!

Simbahang nagmimisyon!

Sumainyo ang kapaya­paan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” (Jn. 20:20).

Ang Espiritu Santo ang nag-gabay ng Simbahan na tinatatag ng ating Panginoon Hesus. Sinabi ni Hesus na hindi niya iiwanan ang kanyang mga alagad hanggang sa wakas ng panahon. Pero paano yan? Umalis na Siya at naiwan ang kanyang mga alagad sa sanlibutan. Ang pagdating ng Espritu Santo ay nagpapahayag na hindi iniwanan  ni Hesus ang kanyang mga alagad. Hindi iniwanan ni Hesus ang kanyang katawan, ang kanyang Simbahan. Ang presensya ng Espiritu Santo ay presensya ng Banal na Santatlo, Ama, Anak at Espiritu Santo.

Bilang kasapi ng Simbahan, ang katawan ni Kristo, bawat isa sa atin, ay may katungkulan na makilahok sa misyon ng Simbahan. Sabi ni Hesus, “Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Hindi maging ganap ang ating binyag kung hindi tayo mag misyon. Kung ang lahat ng kasapi ng Simbahan ay nagmimisyon, sigurado, merong kapayapaan ang sanlibutan. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sumainyo ang kapayapaan.” At ang karugtong na sinabi niya ay pagpapadala ng mga alagad sa lahat ng dako ng mundo upang magpalaganap ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mabuting balita. Ang Simbahan na tinatatag ni Hesus, ay Simbahang nagmimisyon.

Ang mabuting balita ay nagbibigay pag-asa sa ating buhay. Paano natin maipahayag ang mabuting balita kung hindi natin binabasa ang Salita ng Diyos? May isang kapananampalataya na nagbahagi ng kanyang “conversion story”. Sabi niya dahil sa salita ng Diyos, nabago ang kanyang buhay. May direksyon ang kanyang buhay dahil ang salita ng Diyos ang naging liwanag sa kanyang paglalakbay. At dahil dito naging maayos ang kanyang pamumuhay, ang kanyang relasyon sa kanyang pamilya, at maski simple ang buhay, sabi niya, puno ng kapayapaan. Ang salita ng Diyos ay nagbibigay ng kapayapaan. 

Hindi natin magampanan ang ating misyon kung hindi natin basahin at isabuhay ang salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ang nagbibigay direksyon sa ating buhay at sa ating Simbahan. Nawa’y sikapin natin na magbasa ng salita ng Diyos araw-araw upang ang ating pamumuhay ay mapuno ng kapayaan at ito ang ating simpleng pamamaraan na makilahok sa misyon ng Simbahan. At para hindi mawawala sa pagpapaliwanag sa salita ng Diyos ating pakinggan ang Banal na Espiritu Santo upang hindi magkamali sa mga interpretasyon. Ang simbahang tinatag ni Hesus, ay may “magisterium” na naggabay sa atin tungo sa katotohanan. 

Ang pagbabasa sa salita ng Diyos ay pagmimisyon, at ang pagsasabuhay sa salita ng Diyos, ay naging saksi tayo kay Kristo!

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________