Magpasalamat!

Magpasalamat!

At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano. “Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Hesus. (Lc.17:14-17).

Masarap pakinggan  kung tayo ay pinasasalamatan sa ating ginagawa sa ating kapwa. Bilang OFW nagsisikap tayo para sa ating  mga mahal sa buhay. Ginawa ang lahat para mabigyan ng kinabukasan ang ating pamilya. Pero nasasaktan tayo kung hindi pinahalagahan ang ating mga sakripisyo sa kanila. Nasasaktan tayo kung wala man lang pasasalamat. 

Sa ating ebanghelyo ang Samaritano ay bumalik kay Hesus at nagpapasalamat dahil siya’y napagaling sa kanyang karamdaman. Hindi niya kinalimutan ang nagpapagaling sa kanya. Bumalik siya kay Hesus at nagpatirapa sa papaanan ni Hesus at nagpuri at nagpapasalamat. 

Maraming kabutihan ang ginagawa ni Hesus sa buhay natin. Magpasalamat tayo sa kanya, sa pamamagitan ang pagdalo ng Banal na Misa tuwing Linggo o tuwing “day-off” natin. Huwag  natin s’yang kalimutan dahil ang lahat ng biyaya ay galing sa kanya. Ang pasasalamat sa Panginoon ay pwede nating ipakita sa pagmamahal sa kapwa, sa pamamagitan ng ating pagtulong sa mga nangangailangan. Alam natin kamakailan maraming sakuna ang hinaharap ng ating mga kababayan. Ang ating pagtulong sa kanila ay isang pamamaraan na nagpapasalamat tayo sa Panginoon. 

Hindi hadlang ang ating mga problema o mga pagsubok sa buhay para magpasalamat sa Panginoon. Sa ating ebanghelyo, ang bumalik kay Hesus upang magpasalamat ay isang Samaritano. Hindi siya kalahi ni Hesus, pero siya lamang ang bumalik at nagpasalamat sa kanya. Huwag natin hayaaan na pigilan tayo sa ating masamang nakaraan, sa ating kahinaan, para lumapit kay Hesus. Huwag kang matakot sa mga taong mapag-husga, dahil ang pagpunta natin sa simbahan o ang ating paglilingkod sa simbahan ay hindi para sa kanila, ito ay ating pasasalamat sa kabutihan ng Panginoon sa atin. 

Huwag mo rin kalimutan ang mga taong nagpapalapit sa iyo sa Panginoon. Magpasalamat ka sa mga taong nakatulong sa iyong pagbabago at ika’y napalapit sa Panginoon. Masarap ang buhay kung may kaibigan kang may malasakit sa iyong espiritwal na pamumuhay. 

Sa ating paglalakbay bilang isang Simbahan, nawa’y ipakita natin ang ating pasasalamat sa Diyos sa ating pagtanggap sa kapwa at pag-akay sa mga nawawala upang mailapit natin sila sa Diyos na nagbibigay buhay.

Father Jay Flandez SVD

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


___________________________________________________________________________